MANILA, Philippines – Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa walong foreign national sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Catanduanes at Cagayan de Oro City dahil sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas.
Sa Catanduanes, inaresto ng mga operatiba mula sa Regional Intelligence Operations Unit 5 (RIOU-5) ng BI, sa pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Navy, at government intelligence sources, ang mga Chinese national na sina Xiaoqi Ding, 44, at Yuzhi Wang, 62, sa Barangay Cavinitan, Virac, noong Oktubre 7.
Ang dalawa ay nahuli sa akto na nagtatrabaho sa isang supply shop nang walang tamang employment permit, na labag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas.
Ayon sa BI Intelligence Division, natagpuang nagtatrabaho sina Ding at Wang sa establisyimento nang walang kinakailangang work visa mula sa BI at Alien Employment Permit mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang ikatlong Chinese national na kinilalang si Lizha Chen ay natagpuan ding nagtatrabaho sa parehong lugar at nagpakita ng Special Resident Retiree’s Visa (SRRV) ngunit nabigong magpakita ng valid work permit.
Sa isang hiwalay na operasyon, inaresto ng mga ahente ng Regional Intelligence Operations Unit 10 (RIOU-10) ng BI ang limang Indian national sa Cagayan de Oro City noong Oktubre 9 dahil sa pagtatrabaho nang walang kaukulang visa o permit at sa pagsali sa ‘5-6’ lending operations.
Kinilala ang mga naaresto na sina Gurwinder Singh, Jeevanjot Singh, Sahib Singh, Bikramjit Singh, at Jaskaran Singh.
Ayon sa RIOU-10, naganap ang operasyon sa opisina ng mga suspek na matatagpuan sa kahabaan ng Catarman Street, Barangay Gusa, Cagayan de Oro City. Nakipag-ugnayan ang team sa Philippine National Police (PNP) bago ang operasyon.
Sa ginawang beripikasyon, nabigo ang mga naarestong dayuhan na magpakita ng mga valid na dokumento sa imigrasyon, habang ang iba ay nagsumite ng mga kaduda-dudang working visa identification card. Ang kasama ng grupo, na kinilalang si Jaskaran Singh, ay dinakip din dahil sa pagtatangkang hadlangan ang pag-aresto at pagpapakita ng hinihinalang pekeng visa.
Ang mga naarestong dayuhan ay mananatili sa kustodiya ng BI habang nahaharap sa mga kasong deportasyon. JAY Reyes