MANILA, Philippines – Maaari nang ma-access ng mga Pinoy ang mga serbisyo ng Bureau of Immigration sa pamamagitan ng eGovPH SuperApp bilang bahagi ng pagsisikap ng BI na gawing mas seamless, accessible, at diretso ang mga serbisyo nito.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni BI commissioner Joel Anthony Viado na pormal nilang inilunsad ang kanilang eServices platform na may Single Sign-On integration.
Ang tampok na SSO ay magbibigay-daan sa mga user na ma-access ang mga serbisyo ng BI gamit ang isang account, na binabawasan ang pangangailangan para sa mga paulit-ulit na pag-log in.
“Users can now log in to BI’s online services using their existing eTravel and eGovPH SuperApp accounts, simplifying the process and delivering a more efficient and familiar digital experience,” saad ni Viado.
Ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang pinag-isang, secure, at interoperable na digital framework sa mga ahensya ng gobyerno upang i-streamline ang paghahatid ng mga pampublikong serbisyo.
Tiniyak ni Viado na ang maayos na pag-access sa bagong integrated eServices platform ng BI kasama ang SSO ay isang priyoridad ng BI at ng mga tanggapan nito sa buong bansa. RNT/MND