MANILA, Philippines – Ininspeksyon ng Department of Transportation (DOTr) ang Air Traffic Management Center (ATMC) ng kanilang attached agency, ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), upang matiyak na tumatakbo nang maayos ang lahat ng mga sistema sa inaasahang mataas na dami ng mga byahero sa All Saints Day at All Souls Day.
Binigyang-diin ni Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez na hindi niya gustong maulit ang nangyaring airspace shutdown noong Enero 1, 2023 na nagdulot ng abala sa mga pasahero sa panahon ng peak season.
Sa pahayag, sinabi ni Lopez na nais niyang maging maayos ang sistema lalo na sa Yuletide Holiday season.
Nagsisilbing sentrong pasilidad ang ATMC para sa pagkontrol at pangangasiwa sa lahat ng papasok at papalabas na mga flight at overflight sa loob ng airspace ng Pilipinas.
Matatandaan na bumagsak ang ATMC noong 2023 New Year’s Day dahil sa power outage, na nagdulot ng pagkawala ng komunikasyon, radio, radar at internet connectivity.
Maraming flight ang nagambala habang libu-libong manlalakbay ang naapektuhan sa mga paliparan sa buong bansa kabilang ang gateway ng Metro Manila, ang Ninoy Aquino International Airport. Jocelyn Tabangcura-Domenden