Home OPINION SAAN NGA KAYA TAYO PUPUNTA?

SAAN NGA KAYA TAYO PUPUNTA?

231
0

TILA parami nang parami ang mga nagnanais na magkaroon ng pagbabago sa pamahalaan o mismo sa mahal kong Pinas sa kabuuan mula sa matinding kabulukan at pang-aabuso sa poder.

Kung saan patungo ang lahat ng ito, ang Diyos lang ang nakaaalam, ayon sa mga relihiyoso.

Pero para sa iba, ang mga mamamayan ang nakaaalam habang kumakapit din sa pananampalataya o kaya’y nakaangkla sa mga lantad na katotohanan na dapat aksyunan.

Ngunit habang naglalakad tungo sa pagbabago ang bansa, tumitindi naman ang mga hidwaan at kaguluhan.

Isa sa pinagmumulan ng hidwaan at kaguluhan ang humihigpit na pagkapit-tuko sa pwesto ng mga nasa poder na lumilikha ng mga tunggaliang panlipunan, partikular ang mga tagasunod ng mga kapit-tuko at mga kritiko nito.

Sa kabila nito, numinipis naman ang pagkakaiba at unti-unting nagsasama-sama ang mga grupo na dati’y walang balak na magkaisa at nagsusulong lang ng kani-kanilang interes.

Ang iba na dating nagmamasid lang, nagtataas na rin ng boses, gaya ng mga negosyanteng kasapi ng Philippine Chamber of Commerce and Industry na nananawagan ng pagpaparusa sa mga tiwali at paglilinis sa bakuran ng pamahalaan.

Tumitindi rin ang hidwaan at kaguluhan sa pagitan ng mga retiradong sundalo at pulis at mga nakaupo, lalo na nang may nagbanta na alisan ng pensyon at iba pang mga benepisyo ng una ngunit mabilis ding pinabulaanan ng huli.

Iba pa ang pagkahati-hati at tunggalian mismo ng mga lider ng bayan sa Senado, Kamara at Palasyo hanggang sa mga local government unit at pagkakaroon ng mga kampihan at kontrahan.

Nariyan din ang paglabas sa mga lansangan ng mga tinatawag na Gen Z na sa ibang bansa ay nagtagumpay na palitan mismo ang kanilang mga pambansang namumuno o malalalim na mga pagbabago sa pamahalaan at mga polisiya o batas nito gaya nang naganap sa Nepal at Indonesia.

Saan nga ba talaga hahantong ang lahat ng ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here