MANILA, Philippines – Nanumpa noong Miyerkules si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon bilang auxiliary rear admiral ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA).
Pinangunahan ni Philppine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang oath-taking ceremony ni Gadon sa PCG headquarters sa Port Area sa Maynila.
Sa kanyang pahayag noong Huwebes, pinuri ni Gavan ang mga bagong auxiliary officer para sa kanilang pangako sa pagsulong ng maritime development at pagbibigay kapangyarihan sa mga komunidad sa baybayin.
Sinabi ni Gavan na ang kanilang pagsasama sa PCGA Executive Squadron ay “nagpapalakas sa pakikipagtulungan sa pagitan ng gobyerno at ng unipormadong serbisyo sa pagsusulong ng poverty alleviation sa pamamagitan ng maritime civic action programs.”
Kasama rin sa PCGA bilang auxiliary commodore si Jan Paul Songsong, isang executive assistant sa ilalim ng Office of the President.
Sa pahayag nito, sinabi ng PCG na “idiniin ni Gadon na ang mandato ng PCG ay higit pa sa maritime safety at rescue operations.”
Bilang karagdagan, binigyang-diin ni Gadon ang “mahalagang papel ng PCG sa pagtataguyod ng pambansang kaunlaran, pagpapahusay sa ekonomiya ng dagat, at pagsuporta sa produksyon ng isda.”
Ang PCGA ay isang non-government volunteer organization na direktang sumusuporta at tumutulong sa PCG sa pagsasagawa ng mga tungkulin nito, partikular sa pagtataguyod ng kaligtasan ng buhay at ari-arian sa dagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden