MANILA, Philippines — Hinimok ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang Philippine Military Academy (PMA) na makibahagi sa pandaigdigang kompetisyon sa paghubog ng mga espesyalistang sundalo na may kakayahang harapin ang mga hamon ng ika-21 at ika-22 siglo.
Sa pagdiriwang ng ika-127 anibersaryo ng PMA sa Fort Del Pilar, sinabi ni Teodoro na nakikipagtulungan ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamunuan ng akademya upang ihanda ito sa mas modernong pagsasanay para sa mga kadete.
Ayon kay Teodoro, tinutugunan nila ang tamang paggamit ng lupain ng Fort Del Pilar at ang pagbuo ng mga bagong larangan ng pagsasanay na magbibigay-daan sa mga kadete na magkaroon ng higit sa isang espesyalisasyon.
Kasabay nito, inilunsad ni Vice Admiral Caesar Bernard Valencia, superintendent ng PMA, ang PMA Growth Plan na layong baguhin ang kurikulum, palakasin ang kakayahan ng mga guro, at magtayo ng warfare laboratory na gagamit ng mga advanced simulator. Target din ng plano na madagdagan ang populasyon ng kadete mula 1,000 hanggang 2,000 pagsapit ng 2040.
Sinabi ni Teodoro na ipinatutupad niya ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpalabas ng mga opisyal ng militar na may multidisciplinary skills upang mabilis na matugunan ang mga kumplikado at magulong sitwasyong maaaring harapin ng bansa sa hinaharap.
Sa parehong linya, inanunsyo ni Teodoro ang planong magtalaga ng mga PMA graduate sa Philippine Coast Guard (PCG) upang mapalakas ang interoperability ng dalawang sektor sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.
“We will need to network with other organizations… I have instructed the chief of staff to enter into arrangements with the Philippine Coast Guard to accept a limited number of cadets who, upon graduation, will be assigned there,” ani Teodoro.
Binigyang-diin din niya na ang tradisyonal na landas ng karera sa militar “ay maaaring hindi na akma,” dahil ang mga bagong panahon ay nangangailangan ng espesyalistang pagsasanay at patuloy na pagkatuto.
“Today, increasing specialization is the name of the game… new situations constantly evolve and the learning curve is always steep for the armed forces,” dagdag pa ng kalihim.
Ayon kay Teodoro, ang paghubog ng mga future-ready soldiers ay “mabilis, kompetitibo, at magastos,” ngunit kailangang makasabay ang PMA upang manatiling relevant at kagalang-galang ang bansa bilang isang malayang republika.
Sa naunang pahayag sa 80th commemoration ng pagtatapos ng World War II sa Baguio City, sinabi ni Teodoro na kailangang suriin ng mga Pilipino kung handa silang ipagtanggol at panatilihin ang kapayapaang tinatamasa ngayon.
“We must not be complacent in an increasingly volatile world… If we do not have resolve, purpose and unity in action, then we have no business honoring those who shed their blood — our distinguished veterans,” ani Teodoro. RNT/JGC