Home NATIONWIDE Ill-gotten wealth dapat ibalik ng mga aplikante ng witness protection – lawyer

Ill-gotten wealth dapat ibalik ng mga aplikante ng witness protection – lawyer

258
0

MANILA, Philippines — Legal at naaayon sa batas ang pagbabalik ng ill-gotten wealth ng mga aplikanteng nais pumasok sa Witness Protection Program (WPP), ayon kay Atty. Domingo Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Sa panayam ng DZBB nitong Sabado, Oktubre 25, sinabi ni Cayosa na malinaw sa batas at sa Implementing Rules and Regulations ng WPP na kailangang pumirma ang aplikante ng memorandum of agreement (MOA) kung saan nakasaad ang mga kondisyon na itinakda ng pamahalaan.

“Nakalahad sa batas mismo at sa IRR na anumang mga kondisyon na sa tingin ng gobyerno ay karapat-dapat,” ani Cayosa.

“Kasama na rin sa MOA, nakalagay sa batas din ‘yan — ‘to comply with legal obligations and civil judgments against him.’ Kaya pagbabalik ng ninakaw mo, kahit wala pang kaso o hatol, malinaw na legal obligation iyon.”

Dagdag pa ng abogado, ito ay hindi lamang “common sense” kundi isang “settled principle” sa batas na kailangang ibalik ng isang tao ang ari-ariang hindi niya pagmamay-ari.

Ang pahayag ay kasunod ng isyung binuksan ni Sen. Rodante Marcoleta, na kinuwestyon ang Department of Justice (DOJ) sa paninindigang dapat munang isauli nina Sarah at Curlee Discaya ang umano’y ill-gotten wealth bago sila tanggapin sa WPP.

Sa deliberasyon ng Senate Committee on Finance para sa panukalang P43.65-bilyong badyet ng DOJ sa 2026, iginiit ni Marcoleta na tila “iniimbento” lang ng ahensya ang naturang kondisyon dahil umano’y wala ito sa batas.

Batay sa Section 10 ng Republic Act 6981 o Witness Protection, Security and Benefit Act, maaaring tanggapin sa WPP ang isang taong sangkot sa krimen kung:

“the offense in which his testimony will be used is a grave felony as defined under the Revised Penal Code or its equivalent under special laws; there is absolute necessity for his testimony; there is no other direct evidence available for the proper prosecution of the offense committed: his testimony can be substantially corroborated on its material points; he does not appear to be most guilty; and he has not at any time been convicted of any crime involving moral turpitude”

Samantala, sinabi ni DOJ OIC Fredderick Vida na sinusuportahan niya ang posisyon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na ang restitution o pagbabalik ng nakaw na yaman ay isa sa mga kondisyon bago maaprubahan sa programa.

Iginiit din ni Justice Undersecretary Jesse Andres na walang paglabag ang DOJ sa batas, at binigyang-diin ang Section 5(f) ng nasabing batas na nagsasaad na bago mabigyan ng proteksyon, dapat munang lagdaan ng aplikante ang MOA na naglalaman ng kanyang mga tungkulin — kabilang ang pagtupad sa mga legal obligations at civil judgments laban sa kanya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here