Home NATIONWIDE Bangkay ng mga nawawalang CAFGU members narekober 6 taon matapos dukutin ng...

Bangkay ng mga nawawalang CAFGU members narekober 6 taon matapos dukutin ng NPA

286
0

MANILA, Philippines — Narekober ng militar ang labi ng isang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na anim na taon nang nawawala matapos umano itong dukutin at patayin ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Surigao del Sur.

Kinilala ng mga sundalo ng Army’s 36th Infantry Battalion ang biktima na si Marlon Astudillo, na naiulat na nawawala noong Disyembre 17, 2019 matapos dukutin umano ng NPA.

Batay sa ulat ng militar, natunton ang kanyang mga labi sa Sitio Inadan, Barangay Magroyong, San Miguel, Surigao del Sur noong Oktubre 20, matapos ang impormasyon mula sa isang dating rebelde na sumuko kamakailan.

Ipinasa na sa pamilya ni Astudillo ang kanyang mga labi at inilibing noong Oktubre 22.

Nagpaabot ng tulong ang mga lokal na opisyal ng San Miguel at ng pamahalaang panlalawigan ng Surigao del Sur sa naulilang pamilya, habang nagbigay naman ng military honors ang hukbo bilang pagkilala sa kanyang serbisyo.

Ayon kay Col. Manuel Darius Resuello, acting commander ng 901st Infantry Brigade, ang pagkakatuklas sa labi ni Astudillo ay patunay ng patuloy na epekto ng insurhensiya sa rehiyon ng Caraga kahit humina na ang puwersa ng NPA.

“The peace we now enjoy in Caraga has been paid for in blood — by soldiers, CAFGUs, and innocent civilians,” ani Resuello.

“But with the death of key NPA leaders and the dismantling of their guerrilla fronts, the movement in this region is nearing its end.”

Sinabi ng militar na ang natitirang pwersa ng NPA sa ilalim ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) ay nahati na sa maliliit na yunit na kumikilos sa ilang bahagi ng Surigao del Sur at Agusan del Sur.

Ang kaso ni Astudillo ay kabilang sa mga insidente ng mga sibilyan at security personnel na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ng mga rebeldeng komunista sa Caraga nitong mga nakaraang taon.

Noong 2022, apat na residente ng Carmen, Surigao del Sur, ang natagpuang patay sa Agusan del Norte, habang isang pulis na dinukot sa Surigao del Norte noong 2020 ay natagpuang wala na ring buhay makalipas ang ilang araw. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here