MANILA, Philippines – Nilusob ng mga awtoridad ang isang drug den kasabay ng pagkakaaresto sa apat na suspek sa Digos City.
Inilunsad ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office-11 (PDEA-11) sa Davao del Sur at Davao Occidental, katuwang ang 1104th Police Regional Mobile Force Battalion at mga tauhan ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ang drug buy-bust operation sa Purok-7, Barangay Aplaya at nagresulta sa pagkakaaresto ng caretaker ng drug den kasama ang tatlo iba pang suspek.
Nasa P130,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad matapos na magpanggap bilang buyer ang isa sa mga ahente at makabili ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P8,000 mula sa isang alyas Ivy.
Nadiskubre rin sa lugar ang siyam iba pang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P122,400.
Narekober din sa operasyon ang marked money na ginamit.
Si Ivy, 34 ang tinukoy na maintainer ng drug den kasama ang iba pa na sina Abdul, Jay-Ar, at Pablito.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC