Home SPORTS Pilipino Champions, namayagpag sa WPF Asian Nations Cup 2025 sa Taipei

Pilipino Champions, namayagpag sa WPF Asian Nations Cup 2025 sa Taipei

331
0
Team Philippines, itinanghal na kampeon sa WPF Asian Nations Cup 2025 sa Taipei.Nakopo ng mga delegadong Pilipinong manlalaro mula sa Metro Card Club ang kampeonato sa WPF Asian Nations Cup 2025 na ginanap noong October 21-23, 2025 sa Taipei, Taiwan. Ito ang patunay na mahuhusay ang mga Pinoy sa pandaigdigang poker arena.

MANILA, Philippines – Matagumpay na naiangat ng Team Philippines ang bandera ng bansa matapos nilang pagwagian ang kampeonato ng World Poker Federation (WPF) Asian Nations Cup 2025 na ginanap sa Asia Poker Arena, Taipei, Taiwan noong Oktubre 21–23, 2025.

Ang prestihiyosong torneo ay itinuturing na unang WPF Nations Cup sa buong mundo kung saan nagtipon ang pinakamahuhusay na mga manlalaro ng Texas Hold’em Poker mula sa iba’t ibang bansa sa Asya kabilang ang Taiwan, Thailand, Korea, Hongkong, Malaysia, Singapore, Japan at Philippines.

Ang delegasyon ng Pilipinas ay nabuo sa Metro Card Club, ang pinakamalaking poker house sa bansa na kilala sa paghubog ng mga de-kalibreng manlalaro.

Sa pangunguna nina Coach Jon Costiniano at Team Captain Marc Rivera, ipinamalas ng koponang Pilipino ang natatanging estratehiya, disiplina, at pagkakaisa sa bawat laban.

Kabilang sa mga manlalaro sina Ferlyn Cabaling, Lester Edoc, John Tech, Moe Saquing, at Revo David, na kapwa nagbigay ng makasaysayang puntos sa iba’t ibang rounds ng torneo.

Kasama rin sa delegasyon sina Ghie Rivera (Team Manager), Joven Huerto (Team Leader), at Mylene Advincula (Delegation Leader), na nagsilbing matatag na haligi ng suporta sa likod ng tagumpay.

Ang pagkapanalo ng Team Philippines ay patunay ng galing, diskarte, at dedikasyon ng mga Pilipino sa larangan ng poker bilang sports ng talino at kumpetisyon, at isang karangalang maituturing sa kasaysayan ng poker sa Asya.

Sa paglipas ng panahon, ang Texas Hold’em Poker ay hindi na lamang itinuturing na sugal kundi isang lehitimong sports na kinikilala sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa halip na puro swerte, ito ay nakabatay sa estratehiya, analitikal na pag-iisip, at emosyonal na kontrol, mga katangiang tulad ng sa isang propesyonal na atleta. Bukod sa kasanayan sa indibidwal na laro, pinauunlad din ng poker ang teamwork, komunikasyon, at critical thinking, na nakatutulong hindi lamang sa laro kundi maging sa tunay na buhay.

Sa kabuuan, ang tagumpay ng Team Philippines sa WPF Asian Nations Cup 2025 ay hindi lamang panalo sa mesa, kundi panalo para sa bayan—isang patunay na ang poker ay sports ng isip, diskarte, at puso ng Pilipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here