Home NATIONWIDE Ayon mismo sa DPWH: WALANG GHOST PROJECT SA QC FIRST DISTRICT

Ayon mismo sa DPWH: WALANG GHOST PROJECT SA QC FIRST DISTRICT

368
0

“WALANG multo sa aking distrito!”

Ito ang tinuran ni Quezon City First District Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde, matapos personal na bisitahin noong Martes ang 7 ‘flood control/drainage projects’ sa mga lugar ng Bgy. Bahay Toro, Del Monte, Project 6 at San Antonio.

“Walang ghost projects sa atin. Walang multo sa Distrito Uno.

“Wala pong basehan ang mga sinasabi na ‘nonexistent’ ang mga ito.

“Baka kailangan lang ng maayos na coordination para sigurado ang impormasyon hinggil sa mga proyektong ito,” anang mambabatas. “To see is to believe,” dagdag pa nito.

Ang ginawang pag-iikot ni Atayde sa kanyang nasasakupan ay tumutugma sa naunang ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Quezon City 1st District Engineering Office.

Bilang sagot sa tanong ng mambabatas, sinabi ng DPWH sa isang liham noong Setyembre 19 na ang pitong proyekto ay “verifiable” at makikita sa mga lugar kung saan itinayo ang mga ito.

Nilinaw rin ng DPWH na sa 66 na umano’y mga ghost projects na lumabas sa midya, 7 sa mga ito ay nasa distrito ni Atayde.

Kumpirmado namang nakumpleto ang lima sa mga ito habang natigil ang dalawa pa dahil sa mga hindi pa naresolbang problema, kabilang ang nasuspindeng proyekto sa Mariblo Creek.

Nakadokumento at mayroon ding “photographic evidence” ang lahat ng mga proyekto ng mambabatas, dagdag pa ng DPWH.

Kabilang sa mga ito ang 4 na flood control project sa Culiat at Dario Creek sa Bgy. Bahay Toro, rehabilitasyon ng drainage sa Road 3, Project 6, pagtatayo ng pumping station sa West Riverside sa Bgy. Del Monte at isa pang flood control project sa San Francisco River, Bgy. San Antonio.

Ginawa ni Atayde ang inspeksyon upang pabulaanan ang ikinakalat ng ilang grupo na “multo” at “drowing” lang ang mga nasabing proyekto.

“Ang mga proyektong ito ay hindi multo—makikita, mahahawakan, at napapakinabangan. Mukhang napaaga ang Undas para sa ibang tao,” buwelta pa ni Atayde.

“Sana po bago magbintang, bago magturo, sana i-verify naman nila ang info nila.

“We all want to end corruption and to jail the corrupt, but we won’t succeed in our battle against corruption if we punish the wrong people,” punto pa ng kongresista.

Muling binigyang-diin ni Atayde ang una niyang pahayag na hindi siya personal na nakinabang sa mga nasabing proyekto dahil nasa DPWH ang implementasyon ng mga ito.

Hindi rin aniya siya miyembro ng House-Senate Bicam at wala sa posisyon para “magsingit” ng anomang proyekto habang tinatalakay ang General Appropriations Act.

“Malaking tulong sa paglilinaw na mismong implementing agency (DPWH) ang nagsabi na walang ghost projects sa aming distrito.

“The evidence speaks for itself, and the evidence speaks the truth,” aniya pa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here