KUALA LUMPUR, Malaysia – Pormal nang pumasok ang Timor-Leste sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) bilang ika-11 member-state nito.
Kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pinunong lumagda sa deklarasyon sa pagpasok ng Timor-Leste sa ASEAN sa pagbubukas ng araw ng 47th ASEAN Summit at Related Summit sa Kuala Lumpur Linggo, Oktubre 26.
Sa panahon ng seremonya, ang Punong Ministro ng Timor-Leste na si Kay Rala Xanana Gusmão ay sumali sa mga pinuno ng regional bloc para sa nakagawiang pakikipagkamay ng ASEAN.
“Your trust, encouragement and unwavering solidarity have made this historic day possible,” ayon kay Gusmão.
“Our accession is a testament to the spirit of our people – a young democracy born from struggle, now embracing a new era of collaboration and growth within one of the world’s most dynamic regions,” aniya.
“We pledged to work with all member states to keep our region peaceful, open and prosperous,” pangako ni Gusmão.
Ang pagpasok ng Timor-Lester sa ASEAN ay magdadala ng “malaking pagkakataon” sa kalakalan, edukasyon sa pamumuhunan at digital na ekonomiya, ayon sa pinuno ng Timorese.
“We are ready to learn, innovate, and uphold governance, strengthening our institutions as we work together towards sustainable development,” dagdag ni Gusmão.
“This is not the end of a journey. This is a beginning of an inspiring new chapter,” aniya.
Ang pambansang watawat ng Democratic Republic of Timor-Leste ay opisyal na inilagay sa listahan ng mga watawat ng mga miyembrong estado ng ASEAN.
Natuwa at napaluha ang media delegation nito sa International Media Center nang masaksihan nila ang pormal na pagpasok ng kanilang bansa sa ASEAN.
Ang Timor-Leste, na kilala rin bilang East Timor, ang naging unang bansang sumali sa ASEAN noong ika-21 siglo mula nang pumasok ang Cambodia noong 1999.
Ang pagpasok nito sa regional bloc ay ilang dekada nang ginagawa mula noong naibalik nito ang kalayaan noong 2002 mula sa mga siglong kolonisasyon ng Portuges at 24 na taon ng pananakop ng Indonesia.
Tumagal ng 14 na taon bago matanggap ang Timor-Leste sa ASEAN mula noong opisyal na isumite nito ang aplikasyon ng membership sa ASEAN noong 2011 at nabigyan ng observer status noong 2022.
Ang demokratikong republika ay nakikibahagi sa mga paunang pakikipag-ugnayan mula noong 2002 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga serye ng mga pagbisita sa mga miyembrong estado ng ASEAN, pagsang-ayon sa mga kasunduan at pagtatatag ng mga mekanismo ng integrasyon upang ipakita ang kahandaan nito sa pagsali sa rehiyonal na bloke.
Tinutukoy ng Timor-Leste ang ilang salik sa pagdaragdag ng halaga sa ASEAN na may populasyong 1.5 milyon at $1.9 Bilyon sa GDP.
Kabilang dito ang panrehiyong integrasyon ng Timog-silangang Asya at Pasipiko na estratehikong matatagpuan sa pagitan ng Indonesia at Australia.
Binanggit din nito bilang “natatanging” kontribusyon ang demokratikong katatagan nito, yamang pandagat at maging ang pakikipag-ugnayan ng kabataan na may 70% ng populasyon nito na wala pang 35 taong gulang. RNT/MND