SAKHIR, Bahrain – Muntik nang maging unang double gold medalist sa kasaysayan ng Asian Youth Games si Jan Brix Ramiscal matapos masungkit ang ginto sa Mixed Team Mai Muay, ngunit nakuntento sa pilak sa boys’ Wai Kru 16-17 final.
Nakipagtambal si Ramiscal kay Tyron Jamborillo upang dominahin ang Mixed Team Mai Muay final, kung saan nagtala sila ng kabuuang iskor na 9.20 laban sa 8.30 ng koponan mula United Arab Emirates.
Ngunit sa individual event, tabla ang iskor ni Ramiscal at ni Pimpichien Chaiwan ng Thailand sa 9.23. Natalo lamang ang Pinoy sa countback matapos makakuha ng 91 mula sa isa sa mga hurado, kumpara sa 92 ng Thai.
Sa kabila nito, naging overall champion ang Pilipinas sa Muay matapos umani ng tatlong ginto, dalawang pilak, at isang tanso, laban sa Thailand na may dalawang ginto, tatlong pilak, at isang tanso.
Si Ramiscal, 17-anyos, ay isa ring 2-time world champion at patuloy na nagbibigay karangalan sa bansa sa larangan ng Muay Thai. GP/JC