MANILA, Philippines – Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Trade and Industry (DTI) na ipatupad ang price freeze sa pangunahing bilihin at prime commodities hanggang katapusan ng 2025.
Ayon kay Palace press officer Claire Castro, bago umalis si Marcos patungong Kuala Lumpur para sa ASEAN Summit, inutusan niya ang DTI na mahigpit na imonitor at ipatupad ang maximum suggested retail prices, partikular sa imported rice at iba pang produktong pagkain.
Saklaw ng freeze ang canned sardines, canned meats, lahat ng uri ng gatas, kape, bottled water, instant noodles, tinapay, asin, soy sauce, fish sauce, suka, kandila, at iba pang manufactured basic goods.
Iniutos din ng Pangulo sa DTI na makipag-ugnayan sa mga manufacturer upang mapanatili ang kasalukuyang presyo at maiwasan ang hindi kinakailangang pagtaas ng presyo ngayong holiday season. Ayon kay Castro, nakipagtulungan ang lahat ng stakeholders upang matiyak na walang pagtaas ng presyo sa mga pamilihan. Santi Celario