Bulacan – Arestado ang apat na indibiduwal na naaktuhang gumagawa ng ilegal na malalakas na paputok sa bayan ng Bocaue nitong Oktubre 27.
Sa report ni PLTCOL Virgilio Ramirez, hepe ng Bocaue police station, kinilala ang mga suspek na si alyas “Bryan” at tatlo pang iba pa.
Ayon sa report, isinagawa ang operasyon nang makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen na nagsabing may mga gumagawa ng mga iligal na paputok at fireworks device sa Brgy. Biñang 1st.
Nabatid na pagdating ng mga pulis ay nadatnan nila ang mga suspek na aktuwal na gumagawa ng paputok na walang kaukulang permiso kaya agad naaresto.
Nakumpiska sa lugar ang samut-saring iligal na paputok gaya ng kwitis finished, unfinished products, baby rocket, pla-pla, kabase, higad, 5 star na sadyang napakakas at delikadong paputukin na may kabuuang halagang P47,304.
Samantala, huli rin ng mga pulis ang dalawang babae na gumagawa rin ng ilegal na paputok bandang 1:00 ng hapon sa kaparehong petsa sa Brgy. Pulong Buhangin, Santa Maria
Narekober sa lugar ang tatlong kahon ng mga hindi pa tapos na paputok at isang “drill” na gamit din sa paggawa ng paputok.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang mga suspek habang nasa kostudiya ng mga humuling istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III