BACOLOD CITY- ISINARA pansamantala ng lokal na pamahalaan ng lungsod na ito ang Manjuyod White Sandbar matapos gumuho ang Lagoon Dike ng URC-SURE Bais Distillery, na nagdulot ng paglabo ng tubig sa baybaying dagat, nitong Lunes.
Ayon kay Mayor Raffy Alipio Andaya, bumigay ang nasabing dike bunsod ng mga bitak na dulot ng lindol at patuloy na malalakas na pag-ulan.
Dahil dito, tumagas ang wastewater effluent patungo sa mga kalapit na daluyan ng tubig, na naging sanhi ng pagkakontamina at pagbabago ng kulay ng tubig sa karagatang sakop ng Manjuyod, kabilang na ang lugar ng sikat na sandbar.
Binigyang-diin ni Andaya na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at kapaligiran ang kontaminasyong ito, kaya’t kinakailangang magsagawa agad ng mga hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng mga turista, residente, at iba pang stakeholder.
Sinabi ng alkalde, pansamantalang sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang lahat ng tourism activities sa sandbar habang isinasagawa ang pagsusuri ng mga ahensya ng pamahalaan.
Kasama sa mga ipinag-utos ng alkalde ang mga sumusunod: Agarang Suspensyon ng Pagtanggap ng mga Bisita – Ipinagbabawal muna ang pagpasok ng mga turista at anumang aktibidad na may kinalaman sa turismo sa Manjuyod White Sandbar hanggang sa maibigay ang clearance ng mga kinauukulang ahensya.
Koordinasyon sa mga Ahensya – Inatasan ang MENRO, Municipal Tourism Office, at MDRRMO na makipag-ugnayan sa DENR para sa agarang pagsusuri at monitoring ng kalidad ng tubig.
Katuwang naman ng Municipal Tourism Office ang Philippine Coast Guard at mga barangay sa baybayin para mangunguna sa pagpapatupad ng restriksyon at sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.
Dagdag pa ng alkalde, muling bubuksan ang sandbar sa mga bisita kapag idineklara ng mga ahensya ng gobyerno na ligtas na ito at wala nang kontaminasyon. Mary Anne Sapico