MANILA, Philippines – Binatikos ni Antipolo Bishop Ruperto Cruz Santos ang pamahalaan dahil sa umano’y pagtatago sa kahirapan sa mga lungsod kasabay ng pagdaraos ng ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
“What is shameful is when we ourselves are the cause of their poverty. What is shameful is that even amid their poverty, they continue to be robbed, exploited, and deceived,” ayon sa pahayag ng obispo na inilathala sa opisyal na Facebook page ng Roman Catholic Diocese of Antipolo nitong Martes.
Nakasulat naman sa kalakip na poster ang panawagang, “Do not hide poverty. Do not hide the poor.”
Nakatanggap ng batikos ang administrasyong Marcos dahil sa mga alegasyong itinago ang kahirapan sa mga lungsod at pinaalis ang mga maralitang komunidad sa Metro Manila bago ang ASEAN Summit na ginanap mula Nobyembre 15 hanggang 17.
Kabilang umano sa naapektuhan ng clearing operations ang mga street vendor, maliliit na negosyo at mga taong walang tirahan.
Iniulat din na pinagbawalan ang mga vendor at may-ari ng negosyo na mag-operate sa paligid ng Philippine International Convention Center (PICC), pangunahing venue ng summit, simula Oktubre 29. Pinayagan lamang silang muling magbukas matapos ang pagtitipon.
Ayon sa diyosesis, hinimok ni Santos ang mga awtoridad na igalang at protektahan ang dignidad ng mga maralitang komunidad.
Binigyang-diin din nito na ang tunay na malasakit ay hindi lamang pagkilala sa kanilang kalagayan kundi ang pagkilos upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, itaguyod ang katarungan at ipadama sa kanila na sila ay pinahahalagahan. RNT/MDS