Home NATIONWIDE Quad leaders, nagtipon sa Maynila upang talakayin seguridad sa Indo-Pacific

Quad leaders, nagtipon sa Maynila upang talakayin seguridad sa Indo-Pacific

1
0

MANILA, Philippines – Nagtipon sa Maynila, araw ng Martes ang mga lider ng Estados Unidos, India, Japan at Australia para sa kauna-unahang summit ng Quadrilateral Security Dialogue (Quad) sa antas ng mga pinuno sa loob ng nakalipas na dalawang taon.

Nangibabaw sa talakayan ang pagpapalakas ng seguridad sa ekonomiya sa rehiyon ng Indo-Pacific.

Isinagawa ang summit ilang sandali matapos dumating sa Maynila si US President Donald Trump upang dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-US Summit.

Inihayag ni Trump na magsasagawa ang Quad ng isang military exercise na lalahukan ng maritime patrol aircraft ng apat na bansa.

Ayon sa kanya, magpapatuloy ang kanilang pagtutulungan upang “patuloy na protektahan ang kapayapaan sa pamamagitan ng lakas,” ngunit hindi niya tinukoy kung saan ito isasagawa.

Idinagdag din ni Trump na isusulong ng apat na bansa ang superintelligence, na tinawag niyang “pinakamalaking oportunidad para sa paglago ng ekonomiya mula noong Industrial Revolution.”

Samantala, sinabi ni Japan Prime Minister Sanae Takaichi na ipagpapatuloy ng Japan ang pagsusulong ng isang “malaya at bukas” na Indo-Pacific sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga bansa sa rehiyon na harapin ang iba’t ibang hamon.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbibigay sa bawat bansa ng kalayaang magpasya para sa sarili sa iba’t ibang larangan, kabilang ang seguridad sa karagatan, seguridad sa ekonomiya, enerhiya, at mga kritikal at umuusbong na teknolohiya.

“The Quad has always contributed to peace and stability of this region. The Quad will shape the future of the Indo-Pacific together with our regional partners,” anito.

Ayon naman kay Australian Prime Minister Anthony Albanese, malaking bahagi ng mga talakayan ang nakatuon sa pagpapaunlad ng mga kritikal na mineral at rare earth elements, gayundin sa pagpapalakas ng seguridad sa karagatan sa rehiyon.

“We’re all partners of ASEAN, and therefore it is appropriate that we meet on the sidelines here at Manila,” aniya pa rin.

Samantala, sinabi ni Indian Prime Minister Narendra Modi na patuloy na maghahanap ang India, kasama ang iba pang mga bansang kasapi ng Quad, ng mga mapagkakatiwalaang solusyon para sa buong rehiyon ng Indo-Pacific.

Kabilang sa mga pangunahing larangang pagtutuunan ng kanilang pagtutulungan ang seguridad sa karagatan, pagbuo ng maaasahang supply chains o kadena ng suplay, at pagtugon sa mga kalamidad.

Ang Quad ay isang diplomatikong partnership na binubuo ng Estados Unidos, Australia, India at Japan na naglalayong isulong ang isang malaya at bukas na rehiyon ng Indo-Pacific.

Paulit-ulit namang nilinaw ng Estados Unidos na ang samahan ay hindi itinatag upang kumilos laban sa alinmang bansa.

“The Quad is a cooperative agreement between four countries that share a common interest, and common opposition to behaviors.  And that’s what we’ll continue to point to,” ang sinabi naman ni U.S. Department of State Secretary Marco Rubio. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here