MANILA, Philippines – NAG-ALOK ng ₱500,000 pabuya ang mga awtoridad sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa tatlong suspek na sangkot sa pamamaril at pagpatay sa isang pulis sa Cebu City, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Martes, Oktubre 28.
Nasawi sa engkuwentro si Police Capt. Joel Deiparine, habang nasugatan naman sa labi si Executive Master Sgt. Artchel Tero, kapwa miyembro ng CIDG.
Ayon sa ulat, sinusundan ng dalawang pulis ang mga suspek sa Sitio Balaw, Barangay Sudlon 2, kaugnay ng imbestigasyon sa mga iligal na baril, nang bigla silang paulanan ng bala.
Sa pahayag ni CIDG Public Information Chief Maj. Helen dela Cruz, sinabi niyang, “Ang kabuuang ₱500,000 na pabuya ay mula sa lokal na pamahalaan ng Cebu City, sa regional director ng PRO-7, at sa isang pribadong indibidwal na ayaw magpakilala.”
Iginawad naman kay Deiparine ang Medalya ng Kadakilaan (PNP Heroism Medal) bilang pagkilala sa kanyang katapangan, at nagbigay rin ng pinansiyal na tulong ang Public Safety Mutual Benefit Fund, Inc. sa kanyang pamilya.
Dagdag ni dela Cruz, mga miyembro ng gun-for-hire group umano ang tatlong suspek, at patuloy pang tinutukoy ng mga imbestigador kung gaano kalawak ang operasyon ng grupo.
“Patuloy naming tugisin ang mga salarin at siguruhing makakamit ni Capt. Deiparine ang hustisya,” ani dela Cruz. Mary Anne Sapico