MANILA, Philippines – Naka-todo alerto na ang Philippine National Police (PNP) mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 para tiyaking ligtas ang publiko sa paggunita ng Undas 2025.
Sa ilalim ng heightened alert status, madaragdagan ng 25% ang bilang ng mga pulis na magbabantay sa mga sementeryo, terminal, pangunahing kalsada, at matataong lugar. Pinahintulutan din ang mga regional director na magdagdag ng tauhan depende sa pangangailangan ng seguridad.
Aabot sa 50,253 pulis ang ide-deploy sa buong bansa, katuwang ang 16,592 mula sa AFP, BFP, at PCG, at 45,712 force multipliers.
“This is a time when we expect large gatherings and movements of people, so we are making sure our police presence is felt everywhere, from cemeteries to major highways. The goal is simple: a safe, stable, and secured Undas for everyone,” ayon kay PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.
Wala pang namomonitor na banta kaugnay ng Undas. Tututok ang seguridad sa limang pangunahing sementeryo sa Metro Manila—Manila North, Manila South, Bagbag, Loyola Memorial sa Marikina, at San Juan Public Cemetery.
Magtatayo rin ng 5,015 police assistance desks sa iba’t ibang lugar. Paalala ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, sundin ang mga patakaran sa sementeryo at iwasan ang pagdadala ng mga ipinagbabawal tulad ng patalim, alak, at gamit sa sugal.
Samantala, tiniyak ni Transportation Assistant Secretary Maricar Bautista na handa ang mga pantalan, terminal, at tren sa inaasahang dagsa ng mga biyahero ngayong Undas. Santi Celario