MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Narekober ng mga awtoridad ang isang improvised bomb na iniwan sa gilid ng kalsada sa bayan ng Shariff Aguak nitong Biyernes, Nobyembre 13.
Ayon kay Police Colonel John Mangahis, provincial police director ng Maguindanao del Sur, nakatanggap ng sumbong ang Shariff Aguak Municipal Police Station mula sa isang residente na nakapansin sa isang abandonadong pakete.
Agad na nagpadala ng mga pulis sa Barangay Satan bandang alas-6:50 ng umaga at nadiskubre ang hinihinalang bomba.
Nagpadala rin ng bomb-sniffing dog sa lugar na umupo sa pinaghihinalaang pampasabog.
Isinara ng mga rumespondeng pulis ang bahagi ng national highway habang dineactivate naman ng mga bomb expert ng Philippine Army ang pampasabog.
Hinimok ni Mangahis ang publiko na manatiling mapagmatyag, agad iulat ang anumang kahina-hinalang bagay at ipaubaya sa mga sinanay na awtoridad ang paghawak sa mga pampasabog. RNT/MDS