Home METRO Negosyante, pump boat operator, arestado sa magkahiwalay na operasyon kontra smuggling ng...

Negosyante, pump boat operator, arestado sa magkahiwalay na operasyon kontra smuggling ng sigarilyo sa Cotabato, Sultan Kudarat

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang negosyante sa Cotabato at isang operator ng pump boat sa Sultan Kudarat sa magkahiwalay na operasyon laban sa smuggling ng sigarilyo nitong Huwebes, ayon sa Police Regional Office-12 (PRO-12).

Ayon kay PRO-12 Director Brig. Gen. Alan Manibog, nahuli sa checkpoint sa Barangay Kilagasan, Kabacan, Cotabato ang isang 27-anyos na babae na may dalang hinihinalang puslit na sigarilyong nagkakahalaga ng ₱355,240.

Dakong alas-1 ng hapon nang sitahin ng mga pulis ang minamaneho niyang Mitsubishi Strada matapos umano nitong iwasan ang inspeksyon ng Highway Patrol Group-12 sa Rizal Avenue, Kabacan.

Ipinaalam ng HPG sa mga pulis sa Barangay Kilagasan ang tungkol sa sasakyan. Sa isinagawang inspeksyon, nakita sa loob ng pickup ang mga sigarilyong tatak Berlin.

Kinilala ang babae sa alyas na “Bai” at inaresto matapos ipaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan. Nakatakas naman ang kasama niyang lalaki na kinilalang alyas “Mamin” at patuloy na pinaghahanap.

Samantala, nasabat din ng mga pulis sa Lebak, Sultan Kudarat ang isang de-motor na bangka na may kargang 400 ream ng hinihinalang puslit na sigarilyong nagkakahalaga ng tinatayang ₱544,000.

Naganap ang operasyon bandang alas-2:20 ng madaling-araw noong Nobyembre 12, matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y pagdadala ng ilegal na sigarilyo mula Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Sur.

Hinarang ng pinagsanib na puwersa ng Sultan Kudarat Maritime Police Station at iba pang police unit ang asul na motorized banca na may markang “Totoh Aice 2,” sa layong pitong kilometro mula sa baybayin ng Barangay Tran.

Nadiskubre sa bangka ang 400 ream ng sigarilyong tatak Fort na walang kinakailangang Graphic Health Warning label.

Hindi rin nakapagpakita ng mga dokumentong magpapatunay sa legal na pagmamay-ari, pagbebenta o pamamahagi ng mga sigarilyo ang operator ng bangka na kinilalang alyas “Kol Dap,” 40-anyos, isang mangingisda at residente ng Kalamansig, Sultan Kudarat.

“We will not allow lawless elements to use our sea waters in their illegal activities, we will intensify our maritime patrol and coordination with other marine law enforcers to prevent smuggling of cigarettes and other contraband,” pahayag ni Manibog. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here