MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na may karapatan sa full refund, libreng rebooking o conversion sa travel fund ang mga pasaherong nakansela o nabago ang flight schedule dahil sa ASEAN Summit.
Ito ay kasunod ng pagdami ng mga biyahero sa mga paliparan bago ang mahabang holiday weekend at mabigat na trapiko sa mga pangunahing kalsada patungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB), 264 domestic at 58 international flights mula sa iba’t ibang airline ang inaasahang maaapektuhan ng summit mula Nobyembre 13 hanggang 19, 2026.
Tiniyak ni DOTr Secretary Vince Dizon na walang karagdagang bayarin ang mga pasaherong apektado ng kanselasyon o pagbabago ng flight schedule.
“These are the things that we are assuring you of, [the] government as well as the airlines— you are assured of either free rebooking, all penalties waived, walang penalty ‘yan, walang rebooking fee, walang kahit ano,” pahayag ni Dizon.
“Wala kayong dagdag na babayaran, or full refund, or ‘yung tinatawag na travel fund. Meaning kung gusto mo iwan mo na lang pera mo ibang airline at gamitin mo for future travel, puwede din ‘yun,” dagdag niya.
Napansin din sa paliparan ang mas malaking presensya ng mga security personnel, kabilang ang mga pulis.
Sa kabila ng pagdami ng mga pasahero, sinabi naman ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na normal ang operasyon sa paliparan. RNT/MDS