MANILA, Philippines – May bagong career na si Erika Balagtas at ito’y ang pagiging isang radio DJ.
Goodbye na raw si Erika sa sexy roles at masaya siya dahil childhood dream niya raw talaga ito.
Pahayag niya sa amin:
“Radio DJ na po ako ng XFM 99.5 Mega Manila. Ang programa ko po ay ‘X-Rated with Erika Balagtas’, tuwing 1:30-3:30 ng hapon, Sunday to Friday.
“Actually, hilig ko po talaga ang pagsasalita at pagsusulat, so ngayon, masasabi ko po na masaya ako sa aking job ngayon.”
Pahabol pa niya, “Iyong sa pagiging DJ ko naman po, isa rin siya sa childhood dream ko po talaga.
“Nag-message lang po sila sa akin sa socmed ko po at ginrab ko na po agad iyong chance, since sabi ko nga po ay pangarap ko po talaga ang maging radio DJ noon pa.”
Pero nilinaw niyang tuloy pa rin naman siya sa paggawa ng movies:
Pakli ng tisay na aktres, “Hindi naman po totally stop na ako sa movies. Actually, willing pa rin po ako na mag-accept ng movies as long po na wholesome na po iyong project.
“Bukod po sa pagiging radio DJ, student pilot pa rin po ako. Medyo nabitin lang po ngayon sa flight training pero tuloy pa rin po. Sa upcoming movie naman po, Pater Noster ang latest movie ko.
“Wholesome movie po siya, family war po, halo po siya ng action, thriller, at psychological. Kasama ko po rito sina Arron Villaflor, Kayley Carrigan, Kate Pressman, at marami pang iba. Ang role ko po rito ay asawa po ako ni Arron, bale leading lady niya po.”
Iyong Pater Noster, sa sinehan ipalalabas?
Tugon niya, “Hindi po ako sure if sa cinema po siya ipapalabas o sa online platform po. Pero by March po next year ay ipapalabas na po ang movie.”
X-Rated with Erika Balagtas ang title ng kanyang radio show, pang-adults ba ang tema nito?
“Actually, kaya lang po X-Rated ang title ay dahil po XFM po ang name ng radio station, pero wholesome po ang show ko. Nagbibigay po ako ng love advice lang po.
“Ang target audience ko po? Siyempre, yung mga hopeless romantic, mga couples na may problema sa relationship nila, mga broken-hearted, at yung mga gustong pumasok sa relationship.
“Sa totoo lang po, lahat naman welcome sa show at yung mga mahilig sa mga kakaibang kuwento ng pag-ibig,” aniya pa.