MANILA, Philippines – Kinansela ng Commission on Elections (Comelec) Second Division ang certificate of candidacy (COC) ni Albay Gov. Noel Rosal dahil sa umano’y “material misrepresentation,” matapos niyang ipahayag na karapat-dapat siyang tumakbo sa pwesto kahit na pinarusahan ng perpetual disqualification ng Office of the Ombudsman.
Sa resolusyon na ipinahayag noong Oktubre 21 ngunit isinapubliko lamang noong Martes, sinabi ng Second Division na nagpasya itong pagbigyan ang petisyon ni Adrian Loterte, na humiling na kanselahin ang COC ni Rosal sa mga batayan ng material misrepresentation.
Ayon sa Comelec, maituturing na stray vote ang mga nakuhang boto ni Rosal noong May election dahil sa pagkansela ng COC.
Sinabi umano ni Rosal sa kanyang COC na karapat-dapat siyang tumakbo sa pwesto dahil sa resolusyon ng Ombudsman noong 2024, sa kabila ng napatunayang guilty ang gobernador sa grave misconduct, oppression, at dalawang counts ng conduct prejudicial to the best interest of service.
Tinanggal ng Ombudsman si Rosal sa serbisyo at permanenteng pinagbawalan siyang humawak ng posisyon sa gobyerno matapos niyang iutos ang pagpapalit ng ilang department head, na nakaapekto sa mga operasyon at paghahatid ng serbisyo ng pamahalaang panlalawigan at lumabag sa mga alituntunin ng Civil Service Commission. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)