MANILA, Philippines – May mangilan-ngilan nang nagtutungo sa Manila North Cemetery (MNC) dalawang araw bago ang paggunita ng Undas 2025.
Ngayong araw, Oktubre 30 batay sa tala ng Command Center ng Manila Police District, umabot na sa halos anim na libo ang pumasok sa sementeryo.
Ilan sa mga bumibisita ay may dala-dala na ring pagkain na tila ginawang reunion ang kanilang pagbisita sa yumao nilang mahal sa buhay.
Samantala, may pagtaas na rin ang presyo ng bulaklak kung saan ang dating 3 for 100 pesos ay nagkakahalaga na ng 60 kada isang tali.
Gayundin ang presyo ng maliliit na kandila na dating P30 kada apat na piraso, ngayon ay P40 na ang presyo.
Maaga na ring nag inspeksyon si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso upang tignan ang magiging sitwasyon ng MNC na inaasahang dadagsahin ng mga bibisita sa kani-kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Sinilip din ng alkalde ang monitoring center ng MNC upang masiguro na kayang makuhanan ang lahat ng mga pangyayari o kaganapan sa paggunita ng Undas 2025.
Inaasahan kasing aabot sa isang milyon ang maaaring bumita sa MNC sa November 1. Jocelyn Tabangcura-Domemden