Home NATIONWIDE 106 drayber, konduktor isinailalim sa drug test; 4 nagpositibo

106 drayber, konduktor isinailalim sa drug test; 4 nagpositibo

245
0

TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Nagsagawa ang Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2 (PDEA RO2) ng isang biglaang mandatory drug test sa 106 drayber kabilang mga konduktor at K9 inspection sa limang pampublikong terminal bilang bahagi ng kampanyang “Oplan Byaheng Ayos: Undas 2025” dito sa nasabing lungsod.

Ayon kay Regional Director Gil Cesario Castro ng PDEA Region 02, layunin ng operasyon na masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero ngayon Undas sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang mga tsuper at konduktor ay hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Umabot sa 106 na drayber at konduktor ang sumailalim sa pagsusuri, kung saan apat ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.

Dahil dito, agad na ipapaabot sa kani-kanilang lokal na pamahalaan ang mga nagpositibong indibidwal upang mabigyan ng kaukulang tulong at interbensyon.

Sinabi ni OIC-Regional Director Geronimo Santos ng Land Transportation Office o LTO Region 2 kaugnay sa pagtiyak ng ahensiya sa kaligtasan ng mga pasahero ngayong Undas sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad sa mga batas trapiko kabilang sa kanilang i-mo-monitor ang mga pribadong sasakyan na hindi sumusunod sa mga alituntunin.

Katuwang ng PDEA RO2 sa operasyon ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Highway Patrol Group (HPG), at Tuguegarao City Police Station.

Binigyang-diin ni PDEA RO2 Regional Director Gil Cesario P. Castro na patuloy nilang paiigtingin ang ganitong uri ng operasyon upang mapanatiling ligtas, maayos, at drug-free ang biyahe ng publiko ngayong panahon ng Undas.

Ang isinagawang drug test ng PDEA RO2 ay hindi lamang hakbang sa pagpapatupad ng batas kundi isang paalala sa kahalagahan ng disiplina at responsableng pagmamaneho sa mga pampublikong transportasyon. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here