MANILA, Philippines – Isang guro ang naghain ng petisyon sa Supreme Court (SC) na kumukuwestiyon sa legalidad ng Executive Order (EO) No. 94, na nagtatag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa isang 22-pahinang petisyon, hiniling ni John Barry Tayam sa Mataas na Hukuman na ideklara ang bisa at konstitusyonalidad ng ICI gayundin upang matukoy ang legal na paglikha at saklaw ng awtoridad ng komisyon.
“Ang prayer ko naman dito ay bigyan nila ng ruling kung valid ba. Kasi ang issue na ni-raise ko dito, unconstitutional ba ‘yung EO 94 ni President Bongbong Marcos,” saad niya.
Aniya, tatanggalin ang ICI kapag napatunayang labag sa konstitusyon.
“However, sinabi ko na sana kahit nakasampa na ng kaso o ‘yung following ng doctrine of operative fact ay valid siya until proven na unconstitutional or illegal,” aniya.
Binanggit ni Tayam ang Philippine Truth Commission sa ilalim ng administrasyon ni yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, na idineklarang labag sa konstitusyon ng korte dahil sa paglabag sa equal protection clause.
Inatasan ang Truth Commission na imbestigahan ang umano’y katiwalian at pandaraya na mga iskandalo ng administrasyong Arroyo.
“While the ICI may not be identical to the PTC, a conflict of interest is nonetheless a concern, as the investigation centers on the Department of Public Works and Highways (DPWH) specifically, its previous secretaries and district engineers, all of whom fall under the Executive Branch headed by the President,” saad niya sa petisyon.
Nagpahayag din si Tayam ng pagkabahala na ang ICI ay maaaring lumikha ng redundancy sa mga umiiral na katawan tulad ng Ombudsman at Department of Justice.
Dagdag pa, sinabi ni Tayam na ang saklaw ng ICI ng 10 taon ay maglilimita sa timeframe sa kalahati lamang ng administrasyon ni Aquino at sa kabuuan ng administrasyong Duterte. RNT/MND