MANILA, Philippines – Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang pagsusuri sa mga teknikal na detalye ng mga proyekto matapos matukoy ang mga pagkakamali sa impormasyon ng ilang panukalang farm-to-market road (FMR), kabilang ang kanilang coordinates.
Iniutos ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang masusing pagsusuri sa mga detalye ng proyekto, mga kalakip na dokumento at proseso ng validation upang matiyak na tama, kumpleto at napapatunayan ang mga impormasyong isinusumite ng ahensya.
Nakita ng mga civil society group na People’s Budget Coalition, BetterGov.ph at BistoProyekto ang hindi pagtutugma ng ilang coordinates ng mga FMR na isinumite ng DA sa pagdinig ng Senado tungkol sa panukalang badyet ng ahensya para sa 2027.
Sa paunang pagsusuri, lumitaw na nagmula sa mga pagkakamali sa pag-encode at pagta-type ang mga pagkakaiba. Gayunman, sinabi ng DA na pananagutan nito ang anumang maling impormasyong nagmula sa ahensya at itatama ang mga ito.
Matapos ang pagdinig, nakipagpulong si Undersecretary for Infrastructure and Agro-Marine Logistics Arrey A. Perez, sa utos ni Tiu Laurel, kina Kenneth Abante ng People’s Budget Coalition at Dondon Parafina ng BistoProyekto.ph, kasama si Bureau of Agriculture and Fisheries Engineering Director Cristy P. Pilido, upang talakayin ang mga natukoy na pagkakamali.
Sa pulong, napag-alamang walo lamang sa kabuuang 1,669 na talaan, o wala pang isang porsiyento, ang may hindi tugmang coordinates. Dahil dito, hindi tumutugma ang mga ito sa nilalayong lokasyon ng mga proyekto. Sa masusing pagsusuri, nakita na isa o dalawang numero lamang sa coordinates ang maling na-type.
Nagkasundo ang DA at mga civil society group na magsagawa ng internal review, cross review at independent review ng mga third party upang masuri ang paghahanda, pagberipika at pagsusumite ng mga dokumento. Layunin din nitong matukoy ang mga kakulangan sa proseso at magpatupad ng mas mahigpit na internal controls.
Administratibo ang pagsusuri at nakatuon sa pagpapabuti ng mga sistema at pananagutan ng ahensya.
Hiniling din ng DA sa mga civil society group na magsagawa ng independiyenteng pagsusuri sa coordinates ng mga FMR project na naiulat na may pagkakamali.
“Sinusuri namin ang mga datos at nakikipagtulungan kami sa mga civil society group upang matiyak na tama at verifiable ang mga teknikal na detalye,” ani Tiu Laurel.
“Kung may mga pagkakamali sa mga teknikal na detalye, typographical man o iba pang dahilan, pananagutan namin ito at itatama. Dapat mapunta ang pondo ng bayan sa mga proyektong talagang pinaglaanan nito,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Tiu Laurel na nananatili sa Kongreso ang kapangyarihang konstitusyonal sa pambansang badyet, habang responsibilidad naman ng DA na tiyaking tama at mapapatunayan ang mga teknikal na impormasyong isinusumite nito. SANTI CELARIO