MANILA, Philippines – Umabot sa halos P.5 bilyon halaga ng mga peke at iba’t-ibang klase ng mga branded apparel ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang inspeksyon sa Port of Manila.
Ang mga kargamento, na dumating sa Port of Manila noong Agosto 2025, ay nagmula sa Bangladesh. Para makaiwas sa profiling system ng BOC, ang mga ito ay ipinadala sa Singapore bago ipinasa sa Maynila. Ang mga container ay pinigil para sa pagsusuri kasunod ng mga ulat ng intelligence na nagsasaad ng posibleng misdeclaration at pinaghihinalaang paglabag sa Intellectual Property Rights (IPR). Sa isang pisikal na inspeksyon na isinagawa noong Oktubre 9, 2025, kinumpirma ng mga awtoridad sa customs na ang mga kargamento ay naglalaman ng 1,287 na kahon ng pekeng branded na damit kung saan idineklara ito na naglalaman ng mga medyas. Ang bawat item ay tinatayang may market value na ₱2,500, kaya’t nagkakahalaga ang mga ito ng kabuuang ₱482,625,000.
Nabatid sa BOC na ang mga item ay nagtataglay ng mga trademark ng pandaigdigan at lokal na tatak, kabilang dito ang Jag, Bench, Zara, Givenchy, Fubu, Lee, H&M, Cotton On, Lacoste, Burberry, Essentials, Champion, Jordan, Levi’s, Bathing Ape, Oakley, RRJ, Calvin Klein, at Off-white.
Nagsagawa ang BOC ng inspeksyon sa mga nasamsam na produkto nitong Oktubre 30, 2025, kasama ang iba pang pangunahing opisyal. Ang mga kinatawan ng mga pinekeng apparel brand ay naroroon din upang i-verify at kumpirmahin ang pekeng katangian ng mga nasamsam na produkto.
Nabatid sa BOC, na isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang inilabas noong Oktubre 28, 2025, para sa mga paglabag sa Section 118 (Prohibited Importation and Exportation) kaugnay ng Sections 1113 at 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act No. 8293, o ang Intellectual Property Code ng Pilipinas.
Ang mga nakumpiskang kargamento ay ipapailalim sa pagkondena at hahabulin ng BOC ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga sangkot dito. JAY Reyes