Home NATIONWIDE “Beinte pesos” scam sa mga pantalan, ibinabala

“Beinte pesos” scam sa mga pantalan, ibinabala

279
0

MANILA, Philippines – Sinuri ng mga opisyal ng Batangas Port nitong Huwebes ang pantalan matapos lumabas ang reklamo hinggil sa umano’y “beinte pesos” scam na naniningil ng karagdagang bayad sa mga pasahero.

Pinabulaanan ni Port Manager Aurora Mendoza ang naturang isyu at sinabing wala pang pasaherong nakaranas ng naturang modus.

“Bukod doon sa mga binabayad na talagang taripa, pagpasok, para makasakay ng barko, ayun lang ang dapat ang kanilang babayaran… huwag silang magpapaloko sa mga ganung modus,” pahayag ni Mendoza.

Tinatayang nasa 70,000 pasahero na ang dumaan sa pantalan mula Oktubre 23 hanggang 30, at inaasahang lalong dadami ang mga biyahero pagsapit ng Oktubre 31, simula ng Undas long weekend.

Ayon kay Mendoza, nakatulong ang wellness break ng mga estudyante dahil marami ang maagang bumiyahe. “Siguro nakatulong yung wellness break ng mga estudyante, as early as last week nagbiyahe na sila,” aniya.

Bagama’t may kakulangan sa mga barko, tiniyak ng pamunuan na tuloy-tuloy ang biyahe at walang overloading dahil binabantayan ito ng Philippine Coast Guard.

“Maliit naman kasi ang capacity ng mga barko dito… ang isang nagiging problema ay yung pagbalik sa kabila,” paliwanag ni Mendoza.

Pinayuhan ng pamunuan ng pantalan ang mga pasahero na mag-book online at iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit gaya ng matutulis o madaling magliyab na bagay. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here