MANILA, Philippines — Paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko ngayong Undas na normal lamang ang pagdadalamhati sa pagkawala ng mga mahal sa buhay, at bahagi ito ng natural na proseso ng pagpapagaling basta’t huwag kaligtaan ang pangangalaga sa sarili.
Sa isang video na inilabas ng DOH nitong Sabado bilang paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day, ipinaliwanag ni Dr. Sharlene Mae Ocampo, psychiatrist ng National Center for Mental Health (NCMH), na magkaiba-iba ang paraan ng bawat tao sa pagproseso ng dalamhati.
“Normal po ang malungkot. Iba-iba lang kung gaano ito katagal dahil ang grieving, as we know it, normally lasts six months to a year. May kanya-kanyang paraan ng pagdadalamhati,” ani Ocampo.
Dagdag niya, mahalagang alagaan pa rin ang sarili habang nagluluksa.
“Una ay self-care — kumain nang maayos, huwag kalimutan ang nutrisyon. Matulog nang sapat, anim hanggang walong oras bawat araw, at mag-ehersisyo o gumalaw para mailabas ang emosyon.”
Payo pa ng eksperto, huwag pigilin ang pag-iyak o paglabas ng galit.
“Kung gusto mong umiyak o sumigaw, gawin mo. Ang paglabas ng emosyon ay bahagi rin ng healing process,” aniya.
Hinimok din ng DOH ang mga nagluluksa na makipag-usap sa mga pinagkakatiwalaang tao o lumapit sa tulong kung kinakailangan. Maaaring tumawag sa NCMH Crisis Hotline 1553 ang mga nangangailangan ng kausap.
Samantala, patuloy ang Code White Alert ng DOH sa panahon ng Undas bilang paghahanda sa mga posibleng insidente sa mga sementeryo, expressway, at iba pang mataong lugar.
Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na naka-deploy ang mga health officers sa mga pangunahing lansangan at lugar ng pagdagsa ng tao. Pinayuhan din niya ang mga biyahero na magdala ng maintenance medicines at maging mahinahon sa trapiko.
“Sa mga may sintomas ng trangkaso o ubo, manatili muna sa bahay kung maaari. Kung lalabas, siguraduhing maghugas ng kamay at sundin ang cough etiquette,” dagdag ni Herbosa. RNT/JGC