BACOLOD CITY – Nahaharap sa kasong pagpatay ang isang pulis sa Talisay City, Negros Occidental, kaugnay ng pagkamatay ng isang babaeng umano’y naging kalaguyo niya, iniulat kahapon sa nasabing lungsod.
Kinilala ang suspek na si Staff Sgt. Enrique Gonzalodo Jr., nakatalaga sa Bacolod City Police Office – Police Station 5, na nagsumite ng extra-judicial confession hinggil sa kanyang pagkakasangkot sa pagkawala at pagpatay kay Kristine Joy Dignadice, 42-anyos.
Ayon kay Col. Dennis Wenceslao, direktor ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOPPO), isinampa na sa Talisay City Prosecutor’s Office ang kaso nitong Nobyembre 2, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Negros Island Region si Gonzalodo.
“Ayon sa kanyang salaysay, at sa harap ng kanyang abogado, inamin niyang may relasyon sila ng biktima,” ayon kay Wenceslao.
Batay sa imbestigasyon, Oktubre 29 nang magkita si Gonzalodo at Dignadice sa Talisay City. Nasa loob umano sila ng kotse ng biktima nang magkaroon ng pagtatalo.
“Ang bersyon ng suspek, may kaunting pagtatalo sila at ang kanyang baril ay nasa pagitan nila. Parang tinangka ng babae na kunin ang baril, ngunit binawi ng lalaki at bigla na lamang pumutok—na siyang naging dahilan ng pagkamatay ng biktima,” paliwanag ni Wenceslao.
Pagsapit ng hapon, natagpuan ang isang abandonadong kulay-abong sedan na pag-aari ni Dignadice sa Sitio So-ol, Barangay Gargato, Hinigaran, na may mga bakas ng dugo sa loob.
Matapos iulat na nawawala si Dignadice, sumuko si Gonzalodo noong Nobyembre 1 kay Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, direktor ng Police Regional Office – Negros Island Region, at umaming siya ang may kagagawan ng krimen.
Itinuro ng suspek na iniwan niya ang bangkay ng biktima sa Barangay Don Jorge Araneta, Bago City, kung saan kalaunan ay natagpuan ng mga Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang labi ni Dignadice sa isang taniman ng tubo.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang detalye sa kaso./ Mary Anne Sapico