MANILA, Philippines – Pormal nang ikinasa ngayong araw ng mga progresibong organisasyon at sektor ng manggagawa, kababaihan, kabataan, propesyunal, at mga samahang masa ang pagkakaisa laban sa lumalawak na privatization ng mga pangunahing pampublikong serbisyo tulad ng tubig, kuryente, transportasyon at iba pang imprasktraktura na ayon sa kanila ay “puno ng anomalya, nepotismo at malawakang korapsyon.”
Kabilang sa tagapagtatag ng samahan ang grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Freedom for Debt Coalition (FDC), Sanlakas, Partido Lakas ng Masa (PLM), women’s group, Oryang, National Confederation of Labor (NCL), Federation of Free Workers (FFW), Puso ng NAIA, Socialista, Katipunan, at ang UP Asian Center.
“Malinaw na ang patakarang privatization ng gobyerno ay lantarang pag-amin sa kapalpakan nito na gampanan ang obligasyon sa sambayanan na maghatid ng mabilis at dekalidad at abot-kayang serbisyong pampubliko,” saad ni Glecy Naquita, lead organizer ng kumperensya.
“Ang mas malala, ang hindi alam ng marami, ito ang mas sopistikado pero higit na malawak na paraan ng korapsyon na bunga ng nepotismo, kung saan ang sangkot ay mga ultra bilyonaryong negosyante na malalapit sa mga nasa kapangyarihan,” dagdag pa ni Naquita.
“Sa halip na ayusin ang pampublikong pamamahala, binibigyan nila ng pribilehiyo ang mga malalaking korporasyon at pinalalaganap ang pagkakamit ng tubo mula sa dagdag gastusin ng taumbayan,” dugtong pa ni Naquita.
Kasama sa kinokondena ng grupo ang pagsasapribado ng serbisyo sa patubig sa ilalim ng Prime Water ng mga Villar, ang power plant sa Pagbilao, Quezon sa ilalim ng mga Aboitiz, at ang paliparang NAIA sa kamay ni Ramon Ang.
Binigyang halimbawa ng grupo ang anila “komersyalisasyon ng serbisyo sa ilalim ng privatization” ang higit sa 500 porsyentong pagtaas ng singilin sa NAIA, sa kamay ng pribadong kontraktor nito, samantalang wala pang makabuluhang pagbabago ang naisasagawa sa pambansang paliparan, isang taon matapos ipasa ng gobyerno ang pangangasiwa ng airport. (Santi Celario)