Home NATIONWIDE Palawan binayo ni Tino; bagong bagyo mananalasa sa Biyernes

Palawan binayo ni Tino; bagong bagyo mananalasa sa Biyernes

326
0

MANILA, Philippines – Muling tumama sa kalupaan si Bagyong Tino (Kalmaegi) sa Batas Island, Taytay, Palawan nitong Miyerkules ng madaling-araw — ang ika-pitong landfall nito, ayon sa PAGASA.

Sinabi ng PAGASA na muling nag-landfall ang bagyo at ang sentro nito ay sa Batas Island sa Taytay, Palawan Province.

Taglay ni Tino ang hangin na 120 kph at bugso na 165 kph habang tinatawid ang hilagang Palawan patungong West Philippine Sea. Bago ito, tumama na rin ang bagyo sa Southern Leyte, Cebu, Negros Occidental, Guimaras, Iloilo City, at Cuyo Islands.

Itinaas ang Signal No. 4 sa hilagang Palawan, kabilang ang El Nido, Taytay, Araceli, at Calamian Islands; Signal No. 3 sa hilagang Palawan at Cuyo Islands; Signal No. 2 sa bahagi ng Mindoro at gitnang Palawan; at Signal No. 1 sa nalalabing bahagi ng Mindoro, Romblon, timog Palawan, Antique, Aklan, at ilang bahagi ng Iloilo, Capiz, at Guimaras.

Nagbabala ang PAGASA sa malalakas na ulan, hangin, at storm surge na maaaring umabot sa tatlong metro. Mapanganib din ang paglalayag dahil sa alon na hanggang anim na metro sa hilagang Palawan.

Posibleng lumakas pa si Tino sa susunod na 12 oras at lumabas ng PAR sa gabi ng Miyerkules o madaling-araw ng Huwebes.

Samantala, binabantayan ng PAGASA ang isang low pressure area na nasa 1,830 kilometro silangan ng Mindanao na maaaring pumasok sa PAR sa Biyernes o Sabado. Kapag pumasok, papangalanan itong Bagyong Uwan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here