MANILA, Philippines – Nakuha ng National Bureau of Investigation – Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) ang mahigit PHP344 milyon halaga ng pekeng luxury items at counterfeit software sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay, Manila, at Pasig.
Noong Oktubre 28, ni-raid ng NBI ang apat na stalls sa Baclaran LRT Shopping Mall, tatlong stalls sa Baclaran Terminal 1, at isang establisyimento sa Manila, kung saan nakumpiska ang 3,063 pekeng Louis Vuitton items na nagkakahalaga ng PHP342.668 milyon.
Sa hiwalay na operasyon sa Pasig, nakumpiska rin ang apat na laptops na may counterfeit engineering software na tinatayang nagkakahalaga ng PHP1.43 milyon, matapos ang reklamo ng mga may-ari ng software.
Haharapin ng mga may-ari ng establisyimento ang kaso sa ilalim ng Republic Act No. 8293 (Trademark Infringement). Binigyang-diin ng NBI ang kanilang commitment na protektahan ang lehitimong negosyo at himukin ang publiko na huwag bumili ng pekeng produkto. Dave Baluyot