MANILA, Philippines – Nasa full alert ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa tatlong araw na religious rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Rizal Park, Maynila, simula Nob. 16, ayon sa PNP nitong Miyerkules.
Aabot sa 9,829 na pulis ang ide-deploy, kabilang ang civil disturbance teams, traffic units, K9 teams, medical support, at quick reaction forces. Tutulong ang Lungsod ng Maynila sa perimeter security at maglalaan ng 14 ambulansya at rescue medics.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, gagabayan ng karanasan sa nakaraang mga protesta ang plano sa seguridad.
“While this is a religious rally that we expect to be peaceful, our preparation will be complete which includes deployment of ambulances in cases of medical emergencies,” ani Tuaño.
Ang rally, na originally planong gawin sa People Power Monument sa Quezon City, ay ililipat sa Rizal Park. Inaasahan ang mahigit 300,000 kalahok.
Hinimok ng PNP ang publiko na sumunod sa security checks, iwasan ang bawal na gamit, at magtulungan para sa kaligtasan.
Pinayuhan ang mga motorista na asahan ang road adjustments at mabigat na pedestrian traffic sa paligid ng Rizal Park at humanap ng alternatibong ruta kapag inilabas ang traffic advisories. Santi Celario