MANILA, Philippines – Itinaas ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang Code Blue Alert sa buong Department of Health (DOH) at lahat ng pasilidad nito sa bansa dahil sa lawak ng pinsalang dulot ng Bagyong Tino.
Ayon sa pahayag ng DOH sa Facebook, ang deklarasyon ay kasunod ng pag-anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national calamity.
Sa ilalim ng alertong ito, nakaantabay ang lahat ng tanggapan at ospital ng DOH para sa agarang pagtugon, habang dinagdagan ang mga health personnel sa mga evacuation center at pansamantalang klinika.
Inihanda rin ng DOH ang mga gamot, suplay, at mobile response teams upang tumulong sa mga lokal na pamahalaan, habang fully activated na ang kanilang Operations Center at Health Emergency Management Staff para sa mabilis na koordinasyon.
Tatlong Philippine Emergency Medical Assistance Teams na kinikilala ng World Health Organization ang naka-standby at handang magtayo ng pansamantalang ospital kung kinakailangan.
Batay sa ulat ng NDRRMC, umabot na sa 114 ang patay, 127 ang nawawala, at 82 ang sugatan, habang higit 1.9 milyong katao mula sa 8 rehiyon ang naapektuhan ng Bagyong Tino. RNT