MANILA, Philippines – Magpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing produktong agrikultural ang Department of Agriculture (DA) sa mga lugar na matinding tinamaan ng Bagyong Tino (Kalmaegi) matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of national calamity.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maaaring ipatupad din ang price freeze sa Metro Manila kung maaapektuhan ang suplay ng pagkain, lalo na ngayong papalapit ang holiday season.
Nakapaglaan ang DA ng ₱255 milyon na ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda, kabilang ang ₱216.39 milyon na halaga ng binhi ng palay, mais, at high-value crops. Bibigyan din ng ₱1.12 milyon halaga ng feeds at supplements ang mga nag-aalaga ng hayop, at ₱841,600 halaga ng fingerlings para sa mga mangingisda.
May 2.6 milyong sako ng bigas na naka-standby ang National Food Authority (NFA) para sa mga LGU at ahensiyang pang-relief. Maaari ring umutang ng hanggang ₱25,000 sa ilalim ng SURE Loan Program ang mga apektadong magsasaka.
Tinatayang umabot na sa ₱13.26 milyon ang pinsala sa agrikultura, ayon sa inisyal na ulat ng DA, kung saan pinakamalaking epekto ay sa palay, mais, at high-value crops.
Sinabi ni Laurel na inaasahang matatapos ang pagbalangkas ng mga hakbang sa interbensyon sa loob ng linggo habang naghahanda rin sa panibagong bagyong paparating. Santi Celario