Home NATIONWIDE P20K calamity loan, alok ng SSS sa mga biktima ni Tino

P20K calamity loan, alok ng SSS sa mga biktima ni Tino

372
0

MANILA, Philippines – Nagbukas ang Social Security System (SSS) ng Calamity Loan Program (CLP) para sa mga miyembrong naapektuhan ng Bagyong Tino (Kalmaegi) sa Cebu, kung saan maaaring mangutang ng hanggang ₱20,000 ang mga kwalipikadong aplikante.

Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph Montes De Claro, maaaring mag-apply mula Nobyembre 6 hanggang Disyembre 5 sa pamamagitan ng My.SSS online account.

“We understand how life-changing the devastation brought by Typhoon Tino is to workers and their families in Cebu. Our priority is to provide immediate, accessible support to help them get back on their feet,” ani De Claro.

Kabilang sa mga kwalipikasyon ang paninirahan o pagtatrabaho sa lugar na nasa ilalim ng state of calamity, may 36 buwanang hulog (anim sa nakalipas na 12 buwan), walang utang na overdue, at edad na mas mababa sa 65. Ang loan ay may 7% taunang interes na babayaran sa loob ng 24 buwan, at direktang ipapasok sa account ng miyembro kapag naaprubahan.

May hiwalay ding calamity loan para sa mga miyembro ng SSS sa Roxas City at Sigma, Capiz na naapektuhan ng Bagyong Ramil, mula Nobyembre 5 hanggang Disyembre 4.

Nananatili sa state of calamity ang Cebu matapos ang matinding pagbaha na dulot ni Tino, kung saan 71 sa 114 nasawi sa buong bansa ay mula sa lalawigan. Naitala rin ang 127 nawawala at mahigit 200,000 pamilya ang inilikas, ayon sa NDRRMC. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here