Home NATIONWIDE Mga petisyon sa taas-pasahe sa PUV pinagsama-sama ng LTFRB

Mga petisyon sa taas-pasahe sa PUV pinagsama-sama ng LTFRB

313
0

MANILA, Philippines – Pinagsasama-sama ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng petisyon sa pagtaas ng pamasahe para sa mga public utility vehicles (PUV) bilang bahagi ng pagsisikap nitong linisin ang mahigit 37,000 na inihain na petisyon at mosyon.

Sinabi ni LTFRB Chair Vigor Mendoza II sa isang pahayag nitong Biyernes na ilang mga PUV ang huminto sa operasyon dahil ang pagbibiyahe sa kanilang mga ruta ay hindi na matipid.

“Nauunawaan natin ang sitwasyon ng ating mga kababayan sa PUV sector dahil talaga naman nagtaas ang presyo ng mga krudo at mga bilihin, kasama na ‘yung mga spare parts na ginagamit sa maintenance, sa mga nakalipas na taon,” saad ni Mendoza.

Ayon sa datos ng LTFRB, hindi bababa sa limang malalaking transport group ang naghain ng petisyon para sa pagtaas ng pamasahe na kasing taas ng PHP5 at hindi bababa sa PHP1 para sa bawat susunod na kilometro.

Sa ngayon, nagpatupad ang LTFRB ng PHP1 na provisional fare increase, bukod pa sa fuel subsidies mula sa national government.

“We are currently conducting assessment and accounting of all issued franchises and how many of these issued franchises are operational because no less than our DOTr (Department of Transportation) Acting Secretary (Giovanni) Lopez observed the shortage in public transportation,” aniya.

Bukod sa pagrepaso sa mga petisyon, nagsasagawa ang LTFRB ng pag-aaral kung may direktang kaugnayan ang kakulangan ng PUV at ang mga hamon sa pagpapatakbo ng mga PUV.

Una rito, iniutos ni Mendoza sa lahat ng LTFRB regional directors na magsagawa ng public consultations sa dagdag-pasahe at isumite ang resulta ng kanilang mga pagpupulong pagsapit ng Nobyembre 14.

Ang mga natuklasan, pagsusuri at rekomendasyon ay isusumite kay Lopez sa Nob. 17. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here