MANILA, Philippines – Nagpakawala na ng tubig ang limang dam sa Luzon bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Uwan.
Hanggang nitong Sabado, Nobyembre 8, iniulat ng PAGASA na ang Angat Dam sa Bulacan ay may tatlong gate na nakabukas at nagpapakawala ng 449 cubic meters per second na tubig.
Ito ay dahil sa ang Reservoir Water Level (RWL) nito ay 0.33 metrong mas mataas sa 210.33 meters, kumpara sa Normal High Water Level (MHWL) nito na 210.00 meters.
Mayroon ding tatlong gate na binuksan sa 2.50 metro para sa Ipo Dam sa Bulacan at nagpapakawala ng 354.10 cms ng tubig dahil ang kasalukuyang RWL na 100.77 meters ay malapit na sa NWHL na 101.10 meters.
Dalawang gate din na may apat na metro ang nakabukas sa Magat Dam sa Ifugao at Isabela at nagpapakawala ng 1,058.39 cms ng tubig.
Ang kasalukuyang RWL ng Magat Dam ay 185.51 metro na 7.49 metro mula sa NHWL nitong 193.00 meters.
Sa Benguet naman, ang Ambuklao Dam at Binga Dam ay may tig-isang gate na nakabukas sa 0.30 metro at nagpapakawala ng tubig na 55.15 cms at 47.45 cms.
Nasa 749.98 metro ang lebel ng tubig sa Ambuklao na 2.02 metro ang layo mula sa NHWL na 752.00 metro, habang ang Binga naman na 573.55-meter RWL ay 1.45 metrong mas mababa sa 575.00-meter NHWL.
Nauna nang ibinabala ng PAGASA na magdadala ng malalakas na pag-ulan ang Bagyong Uwan sa Luzon at bahagi ng Visayas. RNT/JGC