MANILA, Philippines – Patay ang isang 73-anyos na babae at 21-anyos nitong apo matapos sumiklab ang sunog sa Barangay Alang-Alang, Borongan City, kasabay ng pananalasa ng Bagyong Uwan sa probinsya.
Rumesponde ang Borongan City Fire Station, sa pangunguna ni Fire Chief Inspector Victor Ygbuhay, sa naturang sunog bandang 1:29 ng madaling araw nitong Lunes.
Sa operasyon, natagpuang walang malay ang dalawang biktima sa loob ng nasusunog na dalawang palapag na bahay nito.
Agad na inilabas ng mga bumbero ang mga biktima at isinailalim sa CPR bago dinala sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara silang wala nang buhay.
Ang sunog ay nagsimula sa kwarto.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog ngunit ikinokonsidera ang naiwang nakasinding kandila na dahilan nito. RNT/JGC