MANILA, Philippines – Sarado sa mga motorista ang 31 national road sections dahil sa epekto ng Super Typhoon Uwan.
Bukod dito, limitado rin ang access sa walo pang road sections ayon sa monitoring ng Department of Public Works and Highways ngayong umaga ng Lunes, Nobyembre 10.
Nasa Luzon ang karamihan sa mga apektadong kalsada partikular sa Cordillera Administrative Region, Region 1, Region 2, Region 3, Region 4-A, at Region 5, kung saan nagkaroon ng pagguho ng lupa, pagbaha, at mga natumbang puno at poste. May naitala ring pagguho ng lupa sa Sultan Kudarat sa Region 12.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si DPWH Secretary Vince Dizon na agarang magsagawa ng clearing operations upang muling mabuksan ang mga daan para sa rescue, relief, at transportasyon.
Patuloy ang DPWH Disaster and Incident Management Teams sa paglilinis at pag-aalis ng mga debris sa mga pangunahing kalsada, habang pinaalalahanan ang mga motorista na umiwas muna sa mga apektadong ruta at sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden