MANILA, Philippines – Inendorso ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) ang dalawang eksperto sa neuropsychology upang suriin kung handa si dating Pangulong Rodrigo Duterte na harapin ang paglilitis sa International Criminal Court (ICC).
Ani OPCV principal counsel Paolina Massida sa isang filing, ang mga eksperto ay may kredensyal at karanasan upang maging bahagi ng panel na magsasagawa ng medikal na pagsusuri kay Duterte.
Binanggit din niya na ang kanilang kakayahan sa wika at angkop na background ay nakakatulong para sa mabilis na pre-trial proceedings.
Noong nakaraan, nagtatalaga na ang ICC ng tatlong miyembrong panel para suriin ang fitness ni Duterte, ngunit hiniling ng legal team niya ang disqualification ng isa sa mga miyembro.
Ipinagkatiwala ng OPCV sa ICC Pre-Trial Chamber ang desisyon habang binibigyang-diin na dapat manatiling bahagi ng panel ang ekspertong may kaalaman sa neuropsychology.
Naaresto si Duterte noong Marso 11, 2025, matapos dumating mula Hong Kong at itinago sa The Hague bilang bahagi ng imbestigasyon ng ICC sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan sa kanyang kampanya kontra droga.
Tinanggihan na ng ICC ang hiling ng kanyang mga abogado para sa pansamantalang paglaya. RNT