Home OPINION PHILHEALTH MAGPATUTUPAD NG BAGONG GABAY PARA SA DE-KALIDAD NA EYE SURGERY

PHILHEALTH MAGPATUTUPAD NG BAGONG GABAY PARA SA DE-KALIDAD NA EYE SURGERY

324
0

IPINAALAM ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ang pagpapatupad ng bagong pamantayan at klinikal na alituntunin para sa Pterygium Excision with Graft at Ocular Surface Reconstructive Surgeries (OSR) sa bisa ng PHILHEALTH Circular No. 2025-0021, na magiging epektibo sa November 15, 2025.

Sinabi ni Dr. Edwin Mercado, president at Chief Executive offi­cer ng PHILHEALTH, na layunin ng bagong hakbang ng ahensya na matiyak na bawat miyembro nito ay makatatanggap ng pi­na­kamataas na pamantayan ng pa­ngangalaga sa mata.

Ang mga bagong gabay ay binuo sa pakikipagtulungan ng Philippine Academy of Ophthalmology (PAO) at Philippine Cornea Society, Inc. (PCSI).

Layunin nitong tiyakin na ang lahat ng operasyon sa mata na saklaw ng PHILHEALTH ay sumusunod sa pinakabagong pamantayang medikal na angkop sa kalagayan ng mga pasilidad sa Pilipinas.

Kasalukuyang sinasaklaw ng PHILHEALTH ang:

• Php10,300 para sa Ptery­gium Excision with Graft (RVS 65426), at

• Php59,085 para sa Ocular Surface Reconstruction (RVS 65780, 65781, 65782).

Bilang bahagi ng bagong po­lisiya, ipatutupad din ang maxi­mum claim limit para sa mga eye surgeons.

Layunin nitong matiyak na ang mga benepisyo ay tama lamang ang paggamit, maiwasan ang overbilling o maling paggamit ng pondo, at mapanatili ang kaligtasan ng mga pasyen­te.

Gayunman, hindi saklaw ng limitasyong ito ang mga ope­rasyong isinasagawa ng mga re­sident doctor sa ilalim ng trai­ning programs na inaaprubahan ng Philippine Board of Ophthalmology (PBO), sa mga akredi­tadong pampubliko o pribadong ospital. Sa ganitong paraan, patuloy na napapalakas ng PHILHEALTH ang kalidad ng ophthalmology trai­ning sa bansa.

Ang pagpapatupad ng Circular No. 2025-0021 ay kaakibat ng healthcare agenda ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., na layuning palawakin ang saklaw ng serbisyong pangkalusugan at siguruhing may de-kalidad na health coverage ang ba­wat Filipino.

Ayon sa PHILHEALTH, ito ay isa lamang sa mga serye ng mga repormang isasagawa upang mapatatag ang Universal Health Care (UHC), lalo na sa larangan ng specialized care tulad ng ophthalmology, oncology, at cardiology.

Hinimok ng PHILHEALTH ang lahat ng miyembro at healthcare providers na kilalanin at pag-aralan ang nilalaman ng PHILHEALTH Circular No. 2025-0021 upang matiyak ang wastong paggamit ng benepisyo at pagsunod sa mga itinakdang alituntunin.

Para sa karagdagang impor­masyon, maaaring bumisita ang publiko sa www.philhealth.gov.ph o makipag-ugnayan sa pinakamalapit na PHILHEALTH Regio­nal Office.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here