IPINAALAM ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ang pagpapatupad ng bagong pamantayan at klinikal na alituntunin para sa Pterygium Excision with Graft at Ocular Surface Reconstructive Surgeries (OSR) sa bisa ng PHILHEALTH Circular No. 2025-0021, na magiging epektibo sa November 15, 2025.
Sinabi ni Dr. Edwin Mercado, president at Chief Executive officer ng PHILHEALTH, na layunin ng bagong hakbang ng ahensya na matiyak na bawat miyembro nito ay makatatanggap ng pinakamataas na pamantayan ng pangangalaga sa mata.
Ang mga bagong gabay ay binuo sa pakikipagtulungan ng Philippine Academy of Ophthalmology (PAO) at Philippine Cornea Society, Inc. (PCSI).
Layunin nitong tiyakin na ang lahat ng operasyon sa mata na saklaw ng PHILHEALTH ay sumusunod sa pinakabagong pamantayang medikal na angkop sa kalagayan ng mga pasilidad sa Pilipinas.
Kasalukuyang sinasaklaw ng PHILHEALTH ang:
• Php10,300 para sa Pterygium Excision with Graft (RVS 65426), at
• Php59,085 para sa Ocular Surface Reconstruction (RVS 65780, 65781, 65782).
Bilang bahagi ng bagong polisiya, ipatutupad din ang maximum claim limit para sa mga eye surgeons.
Layunin nitong matiyak na ang mga benepisyo ay tama lamang ang paggamit, maiwasan ang overbilling o maling paggamit ng pondo, at mapanatili ang kaligtasan ng mga pasyente.
Gayunman, hindi saklaw ng limitasyong ito ang mga operasyong isinasagawa ng mga resident doctor sa ilalim ng training programs na inaaprubahan ng Philippine Board of Ophthalmology (PBO), sa mga akreditadong pampubliko o pribadong ospital. Sa ganitong paraan, patuloy na napapalakas ng PHILHEALTH ang kalidad ng ophthalmology training sa bansa.
Ang pagpapatupad ng Circular No. 2025-0021 ay kaakibat ng healthcare agenda ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., na layuning palawakin ang saklaw ng serbisyong pangkalusugan at siguruhing may de-kalidad na health coverage ang bawat Filipino.
Ayon sa PHILHEALTH, ito ay isa lamang sa mga serye ng mga repormang isasagawa upang mapatatag ang Universal Health Care (UHC), lalo na sa larangan ng specialized care tulad ng ophthalmology, oncology, at cardiology.
Hinimok ng PHILHEALTH ang lahat ng miyembro at healthcare providers na kilalanin at pag-aralan ang nilalaman ng PHILHEALTH Circular No. 2025-0021 upang matiyak ang wastong paggamit ng benepisyo at pagsunod sa mga itinakdang alituntunin.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita ang publiko sa www.philhealth.gov.ph o makipag-ugnayan sa pinakamalapit na PHILHEALTH Regional Office.






