Home OPINION PANLILINLANG NA PULITIKA GAMIT

PANLILINLANG NA PULITIKA GAMIT

271
0

GISING, Pilipinas! May mga pangyayaring tila magkahiwalay sa mata ng marami, ngunit kapag pinagtagni-tagni, lumilitaw ang larawan ng isang malalim na sabwatan.

Sa isang banda, may pasabog ang columnist na si Mon Tulfo — ang tinaguriang “Insider List” na nagbanggit ng malalaking pangalan gaya nina Vice President Sara Duterte, Rep. Paolo “Pulong” Duterte, at dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson.

Sa kabilang dako, may mga rally naman ng ilang relihiyosong grupo, kabilang ang Iglesia ni Cristo, na may temang “accountability.”

Sa unang tingin, tila magkaibang isyu. Habang sabi naman ng ilang nagmamasid, iisa lang daw ang direksyon ng kumpas — isang orchestrated na drama na may layuning pampulitika. Sa gitna nito, may mainit na usapin tungkol sa billion-peso flood control scandal na kinasasangkutan umano ng mga kontratista at ilang matataas na opisyal ng gobyerno. Mga proyektong “ghost” daw na ginastusan ng bilyon, ngunit walang nangyaring tunay na imprastraktura. Ang resulta: baha, buhay na nawala, at perang nilamon ng katiwalian.

Ngayon, ayon sa mga impormante, “panic mode” na raw ang ilan sa mga sangkot dahil isasampa na ng Ombudsman ang kaso sa Sandiganbayan — mga kasong walang piyansa. Libo-libong pangalan ang posibleng mapasama. Kaya’t may mga bulong ng tinatawag na “Dakilang Deal.”

Ang kwento: lumapit umano ang mga nasasangkot sa kampo ni VP Sara Duterte. Kapalit ng suporta at pagpopondo sa mga kilos-protesta at “moral crusade” kuno, inaasahan nilang magkaroon ng proteksyon at impluwensya sakaling magbago ang takbo ng pulitika.

Kasi ang sabi, kapag si Sara raw ang naupo sa Palasyo, ligtas silang lahat. Ligtas ang mga kawatan, balik sa dating gawi.

Kung totoo ito, nakalulungkot at nakagagalit. Habang libo-libong Pilipino ang naghihirap sa baha, lindol, at kawalan ng tirahan, ginagamit ng iilan ang mismong pondo ng bayan para sa pansariling kapakanan.

Ang nakapangingilabot, ang perang ninakaw sa mamamayan ay siyang ginagamit ngayon para pondohan ang mga pagkilos na magliligtas sa mga salarin.

Ngunit sa halip na agad maniwala o manisi, kailangan nating humingi ng katotohanan. Dapat imbestigahan ito nang patas at masinsinan. Kung totoo ang sabwatan, parusahan ang may sala — kahit gaano kataas ang posisyon. Kung hindi naman, ilantad ang katotohanan upang hindi magamit ang mamamayan sa pulitika ng panlilinlang.

Sa dulo, ang laban na ito ay hindi tungkol sa kulay, simbahan, o kapangyarihan. Ito ay laban ng katotohanan laban sa kasinungalingan — at ng bayan laban sa mga kawatang patuloy na kumakain sa ating tiwala.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here