Home OPINION NPD ACTING DISTRICT DIRECTOR ‘CHOOSY’?

NPD ACTING DISTRICT DIRECTOR ‘CHOOSY’?

291
0

MUKHANG may hindi magandang namumuong sentimyento ang hanay ng mga mamamahayag sa CAMANAVA laban kay Northern Police District Acting District Director PBGen. Jerry Protacio.

Ayon sa mga miyembro ng CAMANAVA Press Corps, tila nagiging “choosy” daw ang heneral sa pakikitungo sa media—isang ugaling hindi dapat taglayin ng isang opisyal ng pulisya na dapat ay bukas at patas sa lahat ng mamamahayag.

Ang CAMANAVA Press Corps ay isa sa pinakamatagal at respetadong samahan ng mga lehitimong mamamahayag sa National Capital Region. Kaya naman hindi biro nang magkaisa ang grupo upang kondenahin ang umano’y pamimili ni Protacio kung sino lamang ang maaaring makadalo sa kanyang mga press conference.

Ayon sa mga ulat, ilang beses na raw nagpatawag ng pulong-balitaan ang opisina ni Protacio ngunit ilang minuto na lang bago ito magsimula ay saka lamang nagpapadala ng abiso sa media.

Hindi ito makatarungan. Alam ng sinomang propesyonal na mamamahayag na ang maayos na komunikasyon ay mahalaga upang makapaglatag ng tama at balanseng ulat. Hindi pwedeng biglain o manipulahin ang presensya ng media base sa pabor o disfavor ng isang opisyal.

Lalo pang lumalala ang sitwasyon dahil may mga pagkakataon umano na kanselado raw ang press conference, pero kalaunan ay itutuloy pala basta may mga TV crew na dumating. Ano ito—paboritismo?

Dapat lamang na umaksyon dito si National Capital Region Police Office director PMGen Anthony Aberin. Hindi ito maliit na isyu. Ang respeto at maayos na ugnayan ng kapulisan at media ay pundasyon ng transparency at accountability. Kapag pinipili na ng isang opisyal kung sino ang pagbibigyan ng impormasyon, nagkakaroon ng duda ang publiko sa kredibilidad ng kanilang operasyon.

Hindi kailangang hintayin pa ni Aberin o ni Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang mas malalang gulo bago pa ito resolbahin. Ang tapat na serbisyo publiko ay hindi nagtatago sa piling press conference—ito ay ipinapakita sa bukas, patas, at marangal na pakikitungo sa lahat.

Nakasaad kasi sa mga napaulat na balita na hindi raw dapat nagpapakita ng “favoritism” si Protacio dahil pare-parehong may responsibilidad ang mga mamamahayag na mangalap ng balita o dumalo sa pulong-balitaan para maayos na maipahatid sa publiko ang mga totoong balita.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here