MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Bohol Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na ideklarang danger zone ang malawak na landslide area sa Barangay Candanas, Garcia Hernandez dahil sa patuloy na paggalaw ng lupa.
“Ayon sa aming pagsusuri, dahil tuloy-tuloy ang paggalaw ng lupa, inirerekomenda naming ideklarang danger zone ang lugar,” ayon kay Anthony Damalerio, hepe ng PDRRMO, na nanguna sa inspeksyon nitong Martes kasama ang mga opisyal ng bayan at barangay, DepEd, PNP, at MDRRMO.
Kasama rin nila si Karl Din, geologist ng Bohol Provincial Environment Management Office (BPEMO), sa isinagawang ocular inspection.
Ang pormal na deklarasyon ay gagawin ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa pangunguna ni Mayor Jess Baja, bago isumite sa DENR–Mines and Geosciences Bureau (MGB) para sa mas detalyadong geohazard evaluation.
Batay sa paunang ulat, tinatayang limang ektarya ang lawak ng landslide na nakaapekto sa pitong barangay. Ito ay ang Candanas, Catmon, Estaca, Pasong, Cagwang, Cambuyo, at Datag.
Nagsimula ang pagguho ng lupa noong Nobyembre 5 matapos ang Bagyong Tino at lalo pang lumala nang tumama ang Bagyong Uwan, na nagdulot ng power interruption at suspensyon ng klase sa apektadong mga lugar.
Hindi bababa sa 12 bahay ang nawasak, kabilang ang tahanan ni Crystal Etson, 37, na tuluyang hindi na mapapakinabangan.
“Bandang alas-7 ng umaga, napansin ko ang mga bitak sa bahay. Pagsapit ng alas-9, lumaki na ang mga ito. Nangangatog ako sa takot,” kuwento ni Etson.
Isa pang residente, si John Angelo Malaran, 20, ng Purok 3, ay nagsabing nananatili silang takot habang hinihintay ang abiso ng munisipyo.
“We were scared by what happened. We will just wait for the municipal advisory regarding this place,” aniya.
Walang naiulat na nasugatan o nasawi matapos maagang mailikas ang mga residente, ngunit nananatiling delikado ang lugar dahil sa patuloy na paggalaw ng lupa. RNT/JGC